-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration na ipapadeport sa kanilang bansang pinagmulan ang mga may-ari at empleyado ng POGO na hindi magsasara at patuloy na mananatili sa bansa pagkatapos ng Disyembre 31, 2024.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, dapat na isara na ng mga may-ari ng POGO ang kanilang mga operasyon bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos na ganap na ipagbawal ang mga ito simula sa susunod na taon.

Umaasa naman ang BI na aalis ng bansa ang mga manggagawa ng gaming companies at isuko ang kanilang visa matapos na maipasara ang kanilang kompaniya.

Kapag hindi sila tumupad na umalis sa ibinigay na palugit, magiging subject sila ng deportation proceedings hindi tulad ngayon na hinihiling sa kanilang boluntaryong umalis ng bansa.

Kapag nag-surrender na sila ng kanilang visa, isinusuko na rin nila ang kanilang status bilang foreign workers sa Pilipinas at bibigyan sila ng 60 araw para umalis ng bansa bilang bahagi ng proseso.

Kailangan aniya ito dahil bawal nang mag-operate ang mga POGO sa bansa.

Inaasahan ng BI ang mapayapang pag-alis ng mga manggagawa ng POGO sa Pilipinas.

Ang mga manggagawa ng POGO na susubukan na gamitin ang kanilang personal na relasyon sa isang mamamayang Pilipino ay pagkakaitan pa rin ng karapatang manatili sa bansa dahil sa kanilang downgraded status.