Nagbabala ang Bureau of Immigration sa publiko laban sa mga naglipanang scammers ngayon sa ating bansa na nag-aalok ng pagpoproseso ng dokumento para sa etravel o electronic travel declaration system.
Ito ay matapos na makatanggap ang kawanihan ng mga ulat hinggil sa ilang mga indibidwal na naniningil ng travelers fees mula Php3,000 hanggang Php5,000 kapalit ng pagpoproseso ng kanilang etravel registration ngunit sa pagdating ng mga nabiktimang pasahero sa paliparan ay tsaka lang nila malalaman na sila pala ay naloko.
Sa isang pahayag ay iginiit ni BI Commissioner Norman Tansingco na walang bayad ang pagpoproseso ng etravel registration.
Mangyari lamang na bisitahin ang official government website ng BI na https://etravel.Gov.Ph para makapagproseso ng etravel registration.