-- Advertisements --

Nagbabala sa publiko ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) laban sa mga scammers na nagbebenta ng pekeng entry permits sa foreigners gamit ang social media partikular ang Facebook.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang kanilang hakbang ay kasunod na rin ng natanggap nilang reklamo sa isang netizen na mayroong nagbebenta ng entry permits sa bansa sa ilang mga banyaga.

Sinabi ni Morente na isa sa mga biktima ay nagsabing sa pamamagitan daw ng naturang entry permit at ang pag-contact sa umano’y immigration officer ay magkakaroon ito ng smooth entry sa bansa kapalit ng tinatawang na grease money o suhol.

Pero base sa BI records ang sinasabing immigration officer ay hindi naman daw empleyado ng naturang ahensiya.

Labis namang ikinadismaya ni Morente ang naturang modus na ginagamit pa ang pangalan ng Immigration bureau para makapanloko ng tao.

Dahil dito, nilinaw ni Morente na wala umanong ganitong serbisyo ang BI at posibleng nakatutok ang mga scammers sa social media para magmanman ng kanilang mabibiktima.

Samantala, sa ngayon ang pinapayagan lamang ng BI na mapasok sa bansa ang mga Pinoy, foreign spouses at anak ng mga Pinoy, foreign parents ng mga Filipino minors at foreigners na may hawak na immigrant at non-immigrant visas.

Ang pagpasok naman ng mga turista sa bansa ay nananatiling restricted.

Pero mayroon daw entry exemption documents (EED) na iniisyu ang mga foreign posts sa ibayong dagat para sa mga banyagang nais pumasok sa bansa na mayroong tourist visas.