Inatasan ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang ports of entry na mas higpitan pa ang screening sa mga foreigners lalo na sa mga nagpapanggap na may asawa ang mga ito na Pilipino.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morent, nag-isyu ito ng order kasunod na rin ng mga lumabas na report na ilang foreign nationals ang nakapasok sa bansa matapos magprisinta ng mga pekeng marriage certificates.
Dagdag ni Morente, hindi raw sapat na mayroong entry visas at birth certificates na hawak ang mga banyagang papasok sa Pilipinas.
Una rito, nagkaroon ng revision sa mga restrictions sa pagpasok ng mga foreign tourists sa bansa sa pamamagitan ng pagpayag na makapasok sa bansa ang mga banyagang may asawang Pinoy o mayroong minor Filipino children o mga batang may kailangan sa bansa kahit ilang taon pa ang mga ito.
Pero sinabi ni Morente na mayroong nananamantala sa kanilang bagong restrictions kaya naman nagbabala na ito sa mga banyagang papasok sa Pilipinas na kapag ginawa ang naturang modus ay agad silang ipapa-deport.
“I have ordered our frontline officers at the ports to be doubly strict in screening foreigners alleging that they are married to Filipinos or have Filipino children here. It is not enough that they have entry visas, marriage and birth certificates in their possession,” ani Morente.
Hinimok din nito ang publiko na i-report sa BI ang sino mang banyagang pinaniniwalaang namemeke ng mga dokumento para agad silang maaresto at mapabalik sa pinagmulang bansa.
Una rito, dalawang Koreano ang naaresto at pinabalik sa kanilang bansa matapos magprisinta ng mga pekeng kopya ng marriage certificate sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) noong Agosto 17.