-- Advertisements --

Isinasapinal na raw ng ng Bureau of Immigration ang pagpapa-deport sa mahigit 300 na Chinese nationals sa bansa na isasagawa sa ilang batch.

Ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maliban sa 331 Chinese nationals ay mayroon ding 41 iba pang banyagang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa Pasig at Angeles ang nakatakda nang ipa-deport.

Aniya, ang 43 sa kabuuang bilang ng mga banyaga ay nai-turn over na sa BI, habang ang iba naman ay nanatili sa physical custody ng arresting agency.

Nag-isyu na rin daw ang BI Board of Commissioners ng Summary Deportation Order para sa 372 at isinasapinal na rin ang arrangements para sa kanilang pag-alis.

Base sa procedures ng Immigration bureau, ang mga deportees ay dapat walang pending case sa Pilipinas at kailangang mayroong valid travel document.

Una nang sinabi ng BI na nakikipag-coordinate na ang mga ito sa NBI at Chinese Embassy para hilingin ang mabilis na pagrelease sa kanilang mga required documents.

Matapos makumpleto ang kanilang mga dokumento ay puwede nang ma-schedule ang kanilang pag-alis at sarili nila itong gastos.