Tinuldukan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang ilang isyu kaugnay sa paninira sa ahensiya dahil sa umano’y tinanggihang request.
Sa isang statement, partikular na nilinaw ng BI chief ang mga espekulasyon may kinalaman sa kaso ng negosyanteng Chinese at high profile detainee na si Tony Yang na kasalukuyang nahaharap sa mga kaso kaugnay sa pagkakadawit niya sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Inamin ng opisyal na nagkaroon ng pagtatangka na palayain si Yang sa pamamagitan ng pagpiyansa sa bisa ng resolution na binalangkas at ipinasa umano habang wala siya, na malinaw aniyang layunin na ipuwera siya.
Saad pa ng BI chief na naipaalam sa kaniya ang naturang pagtatangkang palayain si Yang subalit pagbalik niya nagbigay siya ng direktiba na tiyaking mapawalang bisa ang resolusyon.
Totoo din aniyang tinutulan niya ang apela ni Yang na makapaglagak ng piyansa para makalaya at desisyon din niya na manatiling nakakulong si Yang habang humaharap sa proseso ng paglilitis sa ating bansa.
Inamin din ni Viado na may mga request sa kaniya na humihiling na muling ikonsidera ang kaniyang posisyon sa kaso ni Yang subalit nanindigan ang BI chief na mananatili si Yang sa kulungan.
Sinabi din ni Viado na bagamat “disgusting” ang pagtatangkang ito na palayain si Yang, pinili niyang panatilihin na lamang ito sa ahensiya dahil naniniwala siyang may mga usapin na mas maiging resolbahin sa loob ng ahensiya at hindi din niya nais na maghugas kamay sa publiko.
Subalit, nilinaw ng BI chief na wala siyang alam kung ang pagtanggi ba niya na palayain si Yang ang dahilan sa paninira sa ahensiya. Aniya, tanging ang perpetrator lamang na nasa likod ng paninira sa BI ang makakasagot nito.
Hindi naman na pinangalanan ng BI chief kung sino ang posibleng nasa likod ng paninira sa kaniya at sa ahensiya dahil hindi niya ugali na magpahiya ng ibang tao.
Naipaalam na rin aniya kay Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Remulla ang naturang isyu at nakadepende na sa kalihim para gumawa ng kaukulang aksiyon.
Kumambiyo naman ang BI chief na magkomento sa iba pang mga paninira laban sa ahensiya sa layuning maresolba ito sa loob ng bureau upang maiwasan ang walang kwentang kontrobersiya at sa halip ay manatiling nakatuon sa kanilang misyon at repormang sinimulan niya mula nang maupo sa pwesto noong nakalipas na taon.