Nakatanggap umano ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng ilang mga report na may ilang indibidwal na nagpapanggap bilang mga empleyado ng naturang ahensiya.
Batay sa naging advisory ng BFAR, may mga gumagamit umano sa unit na BFAR Office of the Director at BFAR Bureau Director.
Ang mga naturang indibidwal ay nagpapakilala bilang mga opisyal ng ahensiya at nagsosolicit ng mga financial donation mula sa mga suppliers at bidder ng BFAR.
Ang mga bidder at supplier ay mayroon ding transaksyon sa naturang ahensiya, sa pamamagitan ng mga proyekto at programa nito.
Ayon sa Fisheries Bureau, hindi dapat maniwala ang publiko laban sa mga naturang indibidwal, dahil sa walang ibang intensyon ang mga ito kungdi ang makapanloko at makapangikil.
Pagtitiyak ng ahensiya na hindi ginagawa ng mga opisyal nito ang paghingi o pangingikil ng pera mula sa mga bidders o mga suppliers.
Kinundena rin ng BFAR ang naturang aktibidad at tiniyak na iniimbestigahan na ang naturang pangyayari.