Naniniwala si House Deputy Speaker Loren Legarda na panahon na para aprubahan ng Kongreso ang panukalang “Better Normal Act” kasunod nang pagbaba sa alert level 1 sa 39 na lugar sa bansa.
Makakatulong aniya ang panukalang batas na ito para mapabilis pa lalo ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa, bukod pa sa mapapalakas din nito ang pagtugon ng pamahalaan sa iba’t ibang problemang dulot ng pandemya.
Iginiit ng kongresista na ang panukalang batas na ito ay lubhang kapaki-pakinabang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), na kapag mapalakas ay mabisang hakbang sa pagbangon ng mga naapektuhang sektor sa pandemya.
Ngayong nasa alert level 1 na ang napakaraming lugar sa Pilipinas, nakikita ni Legarda na sisigla ulit ang sektor ng turismo.
Kapag magtutuloy-tuloy ito, sinabi niyang makakabawi din ang mga naluging negosyo, kabilang na ang mga travel agencies, mga vendor, drivers at tourist guides.