-- Advertisements --

Naisumite na ng Kamara sa Senado ang kanilang bersyon ng proposed P5.024-trillion national budget para sa 2022, ayon kay House Committee on Appropriations chairman Eric Yap.

Sa kanyang liham kay Senate President Vicente Sotto III, nakasaad na Oktubre 25 pa nang maipadala ng Kamara sa Senado ang House Bill No. 10153 o ang 2022 General Appropriations Bill (GAB), o dalawang araw na mas maaga kumpara sa orihinal na schedule.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, sa pamamagitan nang maagang pagpapadala ng naturang dokumento sa Senado ay mabibigyan nang “reasonable time” ang mga senador na mabusisi ang mga nilalaman nito at maipasa naman ang kanilang sariling bersyon ng GAB.

Binigyan diin ni Velasco ang kahalagahan nang pag-apruba ng national budget bago pa man matapos ang taon upang sa gayon hindi rin maapektuhan ang pagbangon ng bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.

“A reenacted budget will definitely ruin our efforts to build back better and deliver much-needed services for our kababayans amid the pandemic,” ani Velasco.

Samantala, iginiit naman ni Yap na bersyon ng national budget na kanilang binusisi ay dumaan sa masusing proseso ng evaluation, debate, at amiyenda.