-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Lubhang naapektuhan na umano ang mga magsasakang nagtatanim ng strawberry sa lalawigan ng Benguet dahil sa biglang pagbuhos ng mga produktong Korean strawberry sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Agot Balanoy, manager ng Highland Farmers Cooperative sa Cordillera Administrative Region, na kanilang inaalmahan ang pagkakaroon ng imported strawberry na galing sa South Korea.

Ayon kay Balanoy, mayroon silang suki sa Cebu City kung saan sila nagpapadala ng Benguet strawberry ngunit bigla na lamang silang hindi nag-oorder dahil marami na raw strawberry sa nabanggit na lungsod pangunahin na sa mga mall at pamilihan.

Natuklasan daw nila na noon pang nakaraang taon sinang-ayunan ng Department of Trade and Industry ang importasyon, ngunit sa deklarasyon na ornamental plants at hindi Korean strawberry na isang uri ng smuggling.

Misdeclaration aniya ito dahil ayon sa Kagawaran ng Pagsasaka, hindi ornamental products ang strawberry.

Sagot naman ang DTI, iba ang market ng Korean strawberry na para lamang sa Korean community ngunit hindi tugma kung pagbabasehan ang pagbaha ng mga Korean strawberries sa mga mall at palengke.

Sinabi pa ni Balanoy na ang mga Korean strawberry ay matitigas at hindi madaling malusaw dahil sa mga inilalagay na preservative, taliwas sa Benguet strawberries na fresh at malalambot.

Batay sa nakuha nilang Korean strawberry samples, umabot na sa dalawang buwan sa Pilipinas ay fresh pa rin tignan at matigas.

Sa ngayon ay sumulat na ang grupo ng strawberry farmers sa Senado upang hilingin na siyasatin ang mga smuggled na strawberry sa bansa para matukoy at masampahan ng kaso ang nasa likod nito.

Samantala, tiniyak ni Balanoy na sapat ang supply ng strawberry at mga highland vegetables sa bansa kaya hindi na kailangang mag-import pa.