-- Advertisements --

Inanunsyo ng DSWD na tataas ang bilang ng mga benepisyaryo ng Food Stamp Program (FSP) mula sa kasalukuyang 100 pamilya hanggang 3,000 pamilya bago matapos ang taon.

Ayon kay DSWD Undersecretary for innovations Eduardo Punay, ang pilot implementation ng “Walang Gutom 2027” ay magiging “full blast” sa Disyembre at ipatutupad sa mas maraming lugar.

Idinagdag ni Punay na sa Hulyo ng susunod na taon, umaasa ang DSWD na makakamit na ang target na masakop ang isang milyong pamilya.

Ang FSP ay magkakaroon ng pilot-testing sa 100 pamilya sa Tondo, Manila at Dapa, Siargao.

Sa ilalim ng programa, ang bawat pamilya ay tatanggap ng P3,000 bawat buwan sa electronic benefits transfer card na magagamit sa pagbili ng pagkain mula sa Kadiwa at DSWD-accredited food outlets.

Sa pagpapalabas ni Pangulong Marcos ng Executive Order 44 na nagtatag sa FSP bilang “flagship program” ng administrasyon, tinitiyak nito ang pagpopondo upang matulungan ang mas maraming pamilyang mahihirap sa pagkain sa 2024.