-- Advertisements --
image 232

Mistulang ghost town ang capital ng China na Beijing matapos na magpatupad ng striktong lockdown dahil pa rin sa patuloy na pakikibaka nito sa paglobo ng mga kaso ng covid-19.

Sa Beijing, walang katao-tao at mga sasakyan na bumabaybay sa mga kakalsadahan matapos na ipag-utos ang pagsasara ng mga non-essential na negosyo kabilang ang gyms at pet supply stores sa ilang lugar.

Ilang mga malls din ang nagsara subalit pinayagan ang mga supermarkets at eateries na magbukas upang magkaroon pa rin ng access sa mga essential ang mga residente.

Sa kabila nito, ilang covid-19 testing booths ang dinagsa matapos ianunsiyo na minamandato ang pagsusuri sa nucleic acid test sa loob ng 48 oras para sa mga sasakay sa public transport at magtutungo sa malls.

Nitong linggo, nakapagtala ang China ng 24,215 kaso ng local transmission ng covid-19. Halos 8,400 cases mula sa Guangdong province kung saan nagpapatuloy ang outbreak at mahigit 4,500 mula sa Chongqing city sa south-western China at nasa 516 cases naman sa Beijing.