-- Advertisements --

Nanawagan si Maggie Wilson para sa tulong ng gobyerno at ng online community matapos ang insidente kahapon kung saan ang mga kinatawan ng kumpanya ng kanyang “estranged husband” ay tumungo sa lugar nito upang “i-padlock” ang kanyang bahay.

Sinabi ng beauty queen-actress na natatakot siya para sa buhay niya at ng kanyang pamilya base sa anim na minutong video na in-upload sa kanyang social media.

Wala si Maggie nung panahon na iyon ngunit ang kanyang kapatid na babae, limang taong gulang na pinsan at mga household staff ay “napasailalim sa harassment at pananakot.”

Nag-upload siya ng serye ng mga video na nagpakita ng mga kinatawan ng Victor Consunji Development Corp. (VCDC) na kumukuha ng mga larawan sa kanyang bahay sa Taguig bandang alas-4 ng hapon. noong Hulyo 15.

Kasama sa mga kinatawan si VCDC Vice President Bernie Mendoza na may kasamang opisyal at mga tanod ng Barangay Bambang.

Sinabi niya na ang mga taong ito ay “iligal na pumasok sa aking tahanan nang walang abiso, walang warrant at walang maayos na papeles.”

Nakita si Mendoza na nagpapaliwanag sa video na nandoon sila para i-secure ang property.

Magugunitang, 11 taon na ikinasal sina Wilson at Victor Consunji nang ipahayag ng beauty queen ang kanilang paghihiwalay noong Setyembre 2021.

Kilala ang pamilya ni Victor sa mga real estate at construction business nito.

Nauna rito, ang anak ng bilyonaryo na si Sid Consunji ay nagsampa ng kasong adultery laban sa kanyang estranged wife na si Maggie Wilson, ilang buwan lamang matapos ipahayag ang pagtatapos ng kanilang 11 taong kasal.

Ipinakita sa publiko ang isang kopya ng kasong kriminal na isinampa ni Victor Consunji sa Taguig City Metropolitan Trial Court na nagdemanda kay Wilson at sa kanyang bagong kasosyo, ang negosyanteng Thai na si Tim Connor (na may pangalan ng kapanganakan ni Tim Jayankura Na Ayudha), para sa adultery.