-- Advertisements --

Umaasa si Albay Rep. Joey Salceda na susunod na linggo ay maaprubahan na ang  Bayanihan to Recover as One Act at Corporate Recovery and Tax Incetives Enterprises (CREATE) Law kung makalusot na ang bersyon ng mga ito sa Senado.

Ito ay matapos na himukin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso na aksyunan na ang ikalawang bahagi ng Bayanihan Law at CREATE Law sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon, Hulyo 27.

Setyembre 2019 pa nang aprubahan ng Kamara ang CREATE Bill, na dati ang tawag ay Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA).

Samantala, ang Bayanihan 2 naman ay nakasalang pa lang sa ikalawang pagbasa sa Kamara.

Sa ilalim ng House version ng Bayanihan to Recover as One Law, P162 billion ang inilalaan na standby fund para gamitin sa COVID-19 response.

Kabilang na rito ang enhancement ng healthcare services at COVID-19 testing, assistance sa mga manggagawa, edication sector, government financial institutions, agriculture sector, tourism, at iba pa.

Ang CREATE Law naman ay ang modified version ng CITIRA na naglalayong bawasan ang corporate income tax sa 25 percent mula sa kasalukuyang 30 percent.

Nauna nang inaprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang kanilang bersyon ng Bayanihan 2.

Nagpahayag na rin ang mga senado ng suporta para sa CREATE Law.