BADIAN CEBU – Kinumpirma ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Mangement Office (PDRRMO) na nakaranas ng pagbaha ang dalawang coastal village sa bayan ng Badian Cebu kasunod ng nararanasang malakas na pag-ulan Miyerkules ng gabi, Agosto 31.
Kabilang sa lugar na tinamaan ng pagbaha ay ang Barangay Banhigan at Matutinao.
Nagdulot ito ng hindi madaanan kagabi na mga kalsada ng nasabing lugar dahil sa malalaking mga bato na inanod ng tubig baha at putik.
Maswerte namang walang nasawi at naitalang pinsala sa imprastraktura maging anumang mga ulat na natatanggap tungkol sa ginagawang paglikas.
Sumailalim pa umano sa pagsasaayos ang mga drainage na nasa mas mataas na barangay o lugar kaya natangay ang mga batong nahukay patungo sa ibabang bahagi ng lugar dahil sa lakas ng agos ng tubig-baha.
Nangangamba naman ang mga residente na baka maulit ang kahalintulad na insidente sakaling muling umulan.