Inihayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin na dapat bawat miyembro ng isang pamilya ay miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ayon sa Lady solon ang application para sa membership ng Philhealth ay dapat ginagawa individually kaya maging ang bagong silang na sanggol ay dapat maging miyembro na rin ng national insurance.
Paglilinaw ng Kongresista ang Philhealth membership ay hindi para sa isang pamilya.
“We should have individual membership, hindi siya per family. Yung isang bata kunyari anak ko by virtue of being dependent pagdating niya ng 18 years old hindi na siya miyembro. ‘Pag nagkaanak ‘yan at nanganak siya, hindi siya miyembro ng PhilHealth, at ‘yung anak naman niya, hindi rin ma-cocover kapag nagkasakit,” paliwanag ng dating kalihim ng Department of Health.
Binigyang-diin ni Garin na dapat individual membership, pagkapanganak otomatikong mahing miyembro ng PhilHealth at sakaling namatay tanggal agad ito sa listahan.
Ginawa ni Garin ang pahayag matapos tumaas ng limang porsiyento ang premium contribution sa PhilHealth.
Nakapaloob kasi sa Republic Act No. 11223, or ang Universal Health Care Act, na mayruong pagtaas ng 0.5% kada taon na ipinapatupad sa membership premiums na nagsimula nuong taong 2021 hanggang umabot ito sa 5% increase sa taong 2025.
Dahil dito, binigyang diin ni Garin na siya ring vice chairperson ng House committee on appropriations na dapat bigyan ng PhilHealth ng sapat na programa at benepisyo ang kanilang mga miyembro.
“Paano mo naman iincrease kung ‘yung serbisyo ng PhilHealth ay hindi akma doon sa minimum expectation ng ating mga kababayan,” punto ni Garin.
Samantala, masusi ng pinag-aaralan ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang apela ni Health Secretary Ted Herbosa na suspendihin muna ang implementasyon ng premium rate increase ngayong taon.
“Lahat ng ginagawa natin sa pang araw-araw, edukasyon, trabaho at agrikultura, all of these vacuum to health. Health is the core of our economy and existence. Kaya dapat umayos ang PhilHealth,” pahayag ni Garin.










