-- Advertisements --

Pinatitiyak ni Senate Public Services Chairman Grace Poe sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na linisin nang husto ang bawat lugar at sulok ng paliparan.

Giit ni Poe, kinakailangan na walang peste sa loob ng NAIA matapos ang nag-viral na post sa social media na may malaking daga sa loob ng paliparan kung saan naghihintay ang mga pasahero.

Nababahala ang senadora na posibleng magbigay ito ng pangamba sa mga pasahero at magdulot ng pagbaba sa ating turismo.

Umaasa si Poe na walang mangyayaring aberya sa planong rehabilitasyon sa NAIA at mabibigyan na ng positibong karanasan sa paglalakbay ang ating mga kababayan at mga bisita.

Kung maaalala, bago ang nag-viral na video ng daga sa NAIA, nabalita rin ang ilang pasahero na nakaranas nang pangangati at pantal-pantal sa balat matapos na kagatin naman ng surot mula sa ilang rattan at bakal na upuan sa paliparan.