Hiniling ng grupong Bayan Muna na maisama ang mga dating director generals ng Bureau of Corrections (BuCor) sa imbestigasyon ng Kamara at Senado hinggil sa posibleng pag-abuso sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Kasunod nang paglaya ng mga bilanggo na “convicted” sa “henious crimes” tulad na lamang ng mga suspek sa kidnapping at murder ng magkapatid na Chiong, sinabi ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na kailangan maisama sa imbestigasyon hindi lamang si Nicanor Faeldon kundi maging sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Benjamin Delos Santos, at iba pang BuCor chief mula 2014.
Hindi kasi aniya malinaw ang ginawang basehan sa pagpapalaya ng nasa 2,000 inmates sa bisa ng GCTA kaya hindi rin maalis sa isipan ng publiko na nagkaroon ng suhulan ng malaking halaga sa BuCor officials at ang ilan ay maaaring nagamit pa sa kampanya sa nakalipas na halalan.
Iginiit ni Zarate na hindi makakamit ang tunay na pagbabago sa justice at penal system sa bansa kung ang gobyerno ay nananatiling bulok.
Dapat aniyang magkaroon ng “massive purge” laban sa mga tiwali at kriminal na opisyal sa pulisya, militar at civilian bureaucracy, upang masawata ang problema sa illegal drugs trade, at iba pang criminal activities sa loob ng mga bilangguan sa bansa.
Iginiit nina Colmenares at Zarate na hindi sila tutol sa GCTA subalit hindi lang tama na tanging mga mayayaman lamang at makapangyarihan ang magbenepisyo rito.