Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representates ang panukala na nagpapakilala sa bagong pamamaraan ng pagbati na ipapalit sa tradisyunal na pagmamano at pakikipag-kamay para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease.
Nakakuha ng 212 na boto mula sa mga mambabatas ang House Bill 8149 o “Bating Pilipino Para sa Kalusugan Act,” habang isa lamang ang hindi pabor rito at isa naman ang nag-abstain.
Ang naturang pagbati ay gagawin sa pamamagitan ng paglalagay ng kanang kamay sa gitna ng dibdib saka bahagyang iyuyuko ang ulo habang nakapikit ang mga mata.
Ayon kay Marikina City Rep. Bayani Fernando, ang may akda ng naturang panukala, napatunayan na raw ng mga eksperto na ang tradisyunal na pakikipag-kamay ay posibleng makahawa ng sakit sa isang indibidwal.
Ang naisip umano nito na alternatibong pagbati ay isang universal gesture na ang ibig sabihin ay good faith mula sa puso habang ang pagyuko naman ay bilang respeto.
Iminamandato rin nito na lahat ng ahensya ng gobyerno na paghandaan ang gagawing information dissemination tungkol dito.