-- Advertisements --

Kailangan muna ng Kongreso na magpasa ng batas para maipagpaliban ang implementasyon ng Child Car Seat Law.

Sinabi ito ni House Committee on Transportation chairman Edgar Mary Sarmiento matapos konsultahin ang mga kapwa kongresista patungkol sa kontrobersyal na batas na ito.

Ayon kay Senior Deputy Speaker Doy Leachon maaring idaan sa judicial action ang pagpapaliban sa naturang batas sa pamamagitan nang paghahain ng temporary restraining order laban dito.

Posible rin ang pagpasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ng joint resolution, ayon naman kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta.

Subalit hindi sang-ayon sa mga ito si Deputy Speaker Rufus Rodriguez.

Iginiit ni Rodriguez na ang Kongreso ang may hawak ng kapangyarihan para ipagpaliban ang Child Car Seat Law sa pamamagitan nang pag-apruba sa isang panukalang batas.

May desisyon na rin aniya ang Korte Suprema na nagsasabi na walang ngipin ang mga resolusyon para ipagpaliban ang implementasyon ng anumang umiiral na batas.

Kasabay din ng pagpasa ng isang panukala na magsususpindi sa pagpapatupad ng Child Car Seat Law ay magbabalangkas naman ang kapulungan ng mga solusyon para maayos na sa oras na ibalik at ipatupad ang batas. 

Handa naman si Land Transportation Office Chief Edgar Galvante na tumalima sa oras na ma-defer ang batas.