Nananawagan ng donasyon na N-95 facemask ang Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) sa lalawigan ng Batangas.
Kasunod ito ng pagtaas ng ibinubugang sulfur dioxide emission ng Bulkang Taal.
Sa isang statement ay ipinahayag ng LASAC ang kanilang patuloy na pangangailangan ng N-95 mask partikular na sa mga lugar na malapit mismo sa nasabing bulkan bagay na sinuportahan at ipinanawagan din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
“Patuloy parin nangangailangan ng N95 lalo na ang mga lugar na malapit sa Bulkang Taal,” saad ng Archdiocese sa isang pahayag.
Samantala, ang mga nais mag-donate ay maaaring dalhin ang donasyon sa LAFORCE Building, St. Francis de Sales Major Seminary Compund, Marawoy, Lipa City o bisitahin ang kanilang mga social media platform para sa iba pang mga impormasyon.
Matatandaan na una rito ay isinailalim na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Bulang Taal sa Alert Level 1 batay sa Saturday bulletin nito bandang alas-5 ng madaling araw.
Dahil dito ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na itinuturing na Permanent Danger Zone, lalo na sa Main Crater at Daang Kastilla fissures.
Bawal din ang pagtatrabaho at pamamangka sa Taal Lake, at maging ang pagpapalipad ng eroplano malapit sa bulkan.
Bukod dito ay nagbabala rin ang Phivolcs sa mga posibleng panganib na maaaring maganap tulad ng stream-driven o phreatic o gas-driven explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, at lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas.