-- Advertisements --

Aabot sa P47 milyong halaga ng pinsala ang naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa dalawang malakas na lindol na tumama sa Itbayat, Batanes nitong Sabado ng madaling araw.

Sa datos na inilabas ng NDRRMC, nasa P40 million ang pinsala sa Itbayat District Hospital at nasa P7 million naman ang pinsala sa Itbayat Rural Health Unit.

Bukod sa health facilities, dalawang eskuwelahan ang nagtamo ng pinsala at 15 bahay.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Usec. Ricardo Jalad, nagpapatuloy ang kanilang damaged assessment sa lugar.

Iniulat din ng ahensya na nasa 2,963 people o 911 families ang apektado dahil sa serye ng pagyanig.

Ang mga apektadong pamilya ay mula sa limang barangay sa Itbayat at kasalukuyang nananatili sa mga tent na inilagay sa plaza at public market sa Barangay San Rafael.

Samantala, nagdeploy ang ang Department of Health ng seven-man Trauma Medical Team na siyang nangunguna sa stress debriefing para sa mga earthquakes victims.

Ayon naman kay Batanes Gov. Marilou Cayco, patuloy ang pagdating ng mga relief goods subalit mas maraming tent ang kanilang kinakailangan dahil siksikan na ang mga residente.

Nasa Itbayat na rin ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways para sa pagkukumpuni ng mga nasirang gusali ng pamahalaan gayundin ng mga kalsada sa lugar.