KALIBO, Aklan —- Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 6 na mahigpit na ipinagbabawal kainin ang lahat ng uri ng mga shellfish matapos magpositibo sa red tide ang Batan Bay sa lalawigan ng Aklan.
Ayon kay BFAR regional director Remia Aparri ng BFAR-Western Visayas, nagpositibo sa paralytic shellfish toxin o red tide ang kinuha nilang sample sa baybayin ng Lupit, Tabon at Magpag-ong sa bayan ng Batan at Guisi sa Altavas, Aklan.
Pinayuhan ang publiko na huwag munang kumuha, kumain at magtinda ng lahat na klase ng shellfish sa nasabing lugar.
Maari naman kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango basta linisin ng maayos at tanggalin ang laman loob kagaya ng mga hasang at bituka.
Dagdag pa na lutuin ng mabuti ang mga ito upang maiwasang magkasakit.