-- Advertisements --

Umapela si House Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman sa mga otoridad, na agad tukuyin at panagutin ang mga indibidwal na nasa likod sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong.

Kinokondena ni Hataman ang insidente, at nagpaabot ng pakikiramay sa apat na nasawi dahil sa pamamaril.

Hangad din ng mambabatas ang agarang paggaling ni Governor Adiong.

“I condemn in the strongest possible terms the ambush that left and his aide wounded, and killed four members of his convoy last Friday afternoon near the boundary of Lanao del Sur and Bukidnon. Nakikiramay ako sa mga kaanak ng mga biktima ng pagpatay, at hangad natin ang mabilis na recovery ni Gov. Adiong at ng kanyang kasama.” mensahe ni Hataman.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Hataman sa magkakasunod na insidente ng karahasan na nangyari sa BARMM.

Kabilang dito ang magkasunod na ambush at pagpatay sa isang Marine sergeant at isang opisyal ng PNP sa Lanao del Sur, at ang pangho-hostage sa 39 miyembro ng Philippine Army.

Sinabi ni Hataman, hindi biro ang inilaang panahon para makamit ang kapayapaan sa rehiyon ngunit tila lumalala ang sitwasyon sa kasalukuyan.

Ang nakakalungkot pa aniya dito ay wala pa ni isa sa mga insidenteng ito ang nalutas o nahuli na mga responsable.

” We have worked long and hard to achieve peace in the region, which I believed we started enjoying until recently,” pahayag ni Cong. Hataman.

Binigyang-diin ng Mindanao solon na nararapat lamang na managot ang mga salarin.