-- Advertisements --

Nanawagan ng masusing assessment si Basilan Representative Mujiv Hataman sa dahilan ng matinding pagbaha sa Maguindanao nang manalasa ang bagyong Paeng.

Ayon kay Hataman, layon nito hindi para magbunton ng sisi kundi maghanap ng mga paraan kung papaano ito maiiwasan sa sandaling may dumating na mga panibagong bagyo.

Nagpa-abot ng pakikiramay si Hataman sa mga pamilya ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Paeng na umaabot sa mahigit 40 katao.

Umaapela ng tulong si Hataman sa mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor na magpadala ng tulong sa mga biktima ng bagyo lalo na sa lugar ng BARMM o Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kung saan mataas ang bilang ng mga nasawi.

Inihayag ni Hataman, pwede rin kunin ng gobyerno ang tulong ng mga LGU sa Maguindanao para sa search and rescue operations para sa mga naiulat na nawawala.

Una rito, maging si Pangulong Bongbong Marcos ay nagtatanong kung bakit nangyari ang malawakang pagbaha sa Maguindanao kung saan malaking bilang ng casualty ay mula sa naturang lalawigan.

Sa ngayon sumampa na sa 59 ang bilang ng mga nasawi sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).