-- Advertisements --

Nakatakdang ilunsad ng Bases Conversion and Development Authority sa Pebrero ang bidding para sa unang batch ng P4.24-bilyong relokasyon ng mga housing facility ng Philippine Air Force mula sa Air Force City sa Clark Freeport Zone, Pampanga patungo sa isang 85-ektaryang ari-arian sa New Clark City, Tarlac.

Ang unang batch ay kinabibilangan ng site development works at construction management services na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P742 milyon.

Ayon kay Joshua Bingcang, BCDA president at chief executive officer, pagkatapos ng site development, magpapatuloy ang ahensya sa ikalawang yugto.

Sasakupin nito ang pagtatayo Philippine Air Force housing at support facilities na nagkakahalaga ng P3.5 billion.

Ang relocation project ay alinsunod sa Memorandum of Agreement na nilagdaan ng Department of National Defense at Bases Conversion and Development Authority noong Agosto 2019

Layon nito na mapadali ang paglipat ng billeting facilities ng PAF sa 85-ektaryang property sa New Clark City, gayundin ang operational facilities nito sa isa pang 147-ektaryang lugar sa loob ng OMNI Aviation malapit sa Clark International Airport

Sinabi ni Bingcang na kapag natapos na ang proyektong ito ay magbibigay-daan sa ahensya na magbigay ng moderno at world-class na mga pasilidad para sa Air Force.

Sinabi ni Bingcang na ito ay magbubukas sa lugar para sa higit pang mga development, kabilang ang iminungkahing Clark central business district, isang 100-ektaryang mixed-use commercial at lifestyle hub, at ang pangalawang runway bilang bahagi ng CRK terminal expansion.