KORONADAL CITY – Sumailalim sa self-quarantine ang isang opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa banta ng coronavirus disease.

Batay sa impormasyon, kaagad sumailalim sa nasabing proseso si BARMM spokesperson Atty. Naguib Sinarimbo kasama ang iba pang mga opisyal matapos dumalo sa pagdinig ng Senate committees on local government and finance.

Kabilang si Sinarimbo ganundin si Atty. Ali Pangalian at Regional Executive Secretary Abdulrauf Macacua na dumalo sa naturang pagdinig.

Tiniyak naman ng tanggapan nang nasabing tagapagsalita na gagawin pa rin nito ang kaniyang tungkulin sa pamamagitan ng online communication facilities kahit nasa loob ito ng isolation room.

Ayon sa kaniyang mga kasama sa Ministry of Local Government-BARMM, sa ngayon ay mahigpit siyang binabantayan ng kaniyang mga doktor.