-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hihingi ng oras kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ang limang gobernador na bumubuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Governors Caucus (BGC) upang masinsinan na matalakay ang kalagayan ng peace and order situation ng rehiyon.

Ito ay upang makakuha ng sapat na suporta mula sa national government para mapalakas pa ang katahimikan sa BARMM na mas lalo pang magbigay pagkakataon na mapalago ang ekonomiya na magdulot sa ikauunlad sa pamumuhay ng Bangsamoro people.

Sinabi ni Lanao del Sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr na siya ring tagapagsalita ng BGC na sana mabigyan sila ng pagkakataon na makaharap ni Marcos kasama ang Bangsamoro Parliament officials para sa nabanggit na paksa.

Pinagsikapan mabuo ni Adiong ang BGC matapos muntikan nang malagay sa panganib ang kanyang buhay dahil tinambangan ang kanyang convoy sa bayan ng Maguing,Lanao del Sur noong Pebrero 2023.

Magugunitang sa anim na BARMM provinces,tanging ang gobernador lang ng Maguindanao del Norte ang hindi nakadalo sa pagtitipon na isinagawa mismo dito sa Cagayan de Oro City.