Magsisilbi umanong inspirasyon ng House of Representatives ang nakuhang mataas na trust at satisfaction rating ni Speaker Martin Romualdez, batay sa survey ng Octa Research, upang mas magsumikap para matapos ang legislative agenda ng administrasyong Marcos.
Ito ang inihayag ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
Sinabi ni Barbers na lalong tumaas ang morale ng mga House members sa nakuhang mataas na rating ni Speaker Romualdez.
“It further affirms our view of Speaker Romualdez, who is a quiet but good general. Walang masyadong satsat, trabaho lang. Nakikita na ito ng tao. Filipinos know results when they see it. And their recognition of the Speaker makes us very proud,” dagdag pa ni Rep. Barbers.
Bagamat naka-break ang sesyon ng Kongreso, inatasan ni Speaker Romualdez ang mga komite na magsagawa ng mga pagdinig upang mapabilis ang pagpasa ng mga panukalang batas na makatutulong upang mapaganda ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Bago nag-adjourn ang sesyon noong Setyembre 27, inaprubahan ng Kamara ang panukalang P5.768 trilyong panukalang budget para sa 2024.
Sa kaparehong araw ay inanunsyo ni Speaker Romualdez na natapos na ng Kamara ang lahat ng 20 prayoridad na panukala ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) list.