-- Advertisements --
DOH APR 24 B

LEGAZPI CITY – Isinailalim sa lockdown ang isang barangay sa lungsod ng Legazpi matapos ang pagpositibo sa coronavirus disease ng isa sa mga residente.

Si Bicol #35 ang pinakabagong kaso sa Bicol na isang 40-anyos na frontliner at residente ng Brgy. 28 Victory Village.

Nag-umpisa itong makitaan ng sintomas nitong Abril 18 habang kasalukuyan nang naka-admit sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.

Sa pahayag ni Legazpi City Mayor Noel Rosal, kailangan aniyang ipatupad ang lockdown sa lugar lalo pa’t dikit-dikit ang mga kabahayan.

Nagpapatuloy naman ang contact tracing kaya’t mahigpit ang kautusan na manatili sa bahay.

Tiniyak naman ni Rosal ang tulong para sa mga apektado ng lockdown kaya’t nakipag-ugnayan na kay City Social Welfare and Development Office head Marlene Manaya sa pagpapadala ng relief goods na tatagal hanggang tatlong araw.

Samantala, sinabi naman ni Punong Barangay Antonio Loveriza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mahigpit ang isinasagawang pagbabantay sa mga residente at abiso sa mga health workers sa lugar sa paggamit ng proteksyon upang mapangalagaan ang sarili at iba sa nakakahawang sakit.