-- Advertisements --

Inatasan na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga local government units na bumuo ng isang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) na siyang tutulong sa posibleng pagkalat ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) sa community level.

Sinabi ni Año na ang naturang hakbang ay paghahanda na rin nila sakaling umabot ng hanggang sa maliliit na mga komunidad ang 2019 nCoV ARD.

Ayon sa kalihim, ang BHERTs ay dapat binubuo ng isang executive officer, barangay public safety officer, at dalawang barangay health workers.

Ang mga miyembro ng BHERTs, na siyang itatalaga ng mga barangay chairmen, ay magsisilbing mata at tainga sa pamamagitan nang pagtitiyak na accounted at fully informed ang mga residente mula sa kanikanilang mga hurisdiksyon.

Kabilang sa magiging trabaho ng BHERTs ay bisitahin ang mga bahay ng bawat residente na dumating sa bansa mula sa coronavirus-affected country at ilista ang pangalan ng mga taong nakahalubilo ng mga ito.

Oobligahin ng BHERTs ang mga ito na i-record ang kanilang body temperature araw-araw sa loob ng 14 araw na confinement sa bahay.

Dapat din obserbahan ng mga ito ang posibleng sintomas ng 2019 nCoV, na ayon sa Department of Health (DOH) ay ubo, sipon, lagnat, at hirap sa paghinga.

Sa oras na makitaan ng sintomas ang mga ito, kailangan na ma-isolate kaagad ng BHERTs ang mga ito at mailipat kaagad sa DOH-designated coronavirus-referral center o hospital para sumailalim sa tests at treatment.