-- Advertisements --
Screenshot 2020 05 30 13 54 53

ILOILO CITY – Umabot na sa 10 kaso ang isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng anomalya sa Social Amelioration Program (SAP) sa Western Visayas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pol Col Gervacio Balmaceda, pinuno ng CIDG Region 6 sinabi nitong sa 10 kaso na isinampa 39 rito ang pinaghihinalaang sangkot sa naturang anomalya.

Ayon kay Balmaceda, sa 39 na sinampahan ng kaso, 11 rito ang punong barangay, habang ang iba naman ay mga barangay kagawad, appointed officials at Municipal Social Welfare and Development Officer.

Ani Balmaceda, sa lungsod at lalawigan ng Iloilo mayroong tig-iisang punong barangay ang sangkot sa criminal at administrative cases kasama na ang iba pang barangay at appointed officials.

Dagdag pa ni Balmaceda, karamihan sa mga nagreklamo ay nagpahayag na binawasan ang P6,000 na kanilang natanggap at base na rin sa resulta ng imbestigasyon na ang ibang barangay officials ay walang sapat na dahilan upang bawasan ang cash assistance.

Samantala, dumipensa naman ang ilang barangay official na binawasan lamang nila ang cash assistance dahil nais nilang makatanggap rin ang iba na wala sa listahan.