-- Advertisements --

Patay ang Barangay Chairman at dalawang Konsehal habang kritikal ang kalagayan ng Sanguniang Kabataan (SK) secretary matapos pagbabarilin ng isang dating barangay kagawad sa gitna ng flag ceremony sa Barangay Salitran nitong Lunes, Mayo 26.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Raul Atarde Ballos, 56, barangay chairman; Jose Lagones, 65, konsehal; at Marvin Cañete, 54, konsehal at ang sugatang SK secretary ay si Christine Joseph Bonus.

Ayon kay Police Lt. Colonel Regino Oñate, acting chief ng Dasmariñas City Police, ang suspek na si Ariel, 50, dati ring barangay tanod, ay nilapitan si Ballos mula sa likuran at pinaputukan ng baril.

Pagkatapos umano ay binaril din niya ang dalawang konsehal. Sa gitna ng kaguluhan, pinatay ng suspek ang sarili gamit ang sariling baril.

Agad na dinala sa ospital ang mga biktima at ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantala patuloy na ginagamot ang SK secretary na nasa kritikal na kondisyon.

Inutos ni Regional Director PBGen. Paul Kenneth Lucas ang masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang motibo at mapanagot ang may sala.

Ito na ang pangalawang malalang insidente ng pamamaril sa lalawigan sa loob lamang ng dalawang araw.

Una na rito noong Sabado, kung saan isang 48-gulang na tagasuporta ng alkalde ng Naic, Cavite ang pinatay sa harap ng kanyang bahay, at ito umano ay may kaugnayan sa banta dahil sa nakaraang eleksyon.