DAVAO CITY – Mahaharap sa kasong frustrated homicide ang isang punong barangay matapos itong mamaril sa loob mismo ng barangay hall sa Barangay Limao, Island Garden City of Samal.
Napag-alamang agad na sinugod sa bahay-pagamutan ang isang lalaki matapos itong barilin ng kapitan na kanyang nakasagutan.
Nakilala ang biktima na si Jovanie Bolano Enriquez, 55-anyos na residente rin ng nasabing lugar na sakop ng Davao del Norte.
Base sa report na ipinalabas ng Davao del Norte Provincial Police Office, mismong kapitan si Kapitan Teody Bankil Batoon Sr., 55, ang bumaril sa biktima.
Dahil umano sa mainit na pagtatalo ng dalawa, kumuha ang suspek ng armas mula sa kanyang opisina at binaril ang biktima na natamaan sa likod na bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, boluntaryong sumuko ang kapitan sa Igacos Police Station dala ang kanyang armas na .38 Armscor Revolver kasama ang limang bala.
Ang biktima naman ay nasa ligtas nang kalagayan.