CAGAYAN DE ORO CITY – Tutol ang porsyento ng mga kapatid na Muslim na palawigin pa ng karagdagang taon ang bumubuo ng transition authority na kasalukuyang namamahala sa Bangsamoro region nitong bahagi ng Mindanao.
Kasunod ito ng pending umano na mga panukalang batas na nakahain sa Kamara para palawigin pa ang Bangsamoro Transition Authority na pinamunuan ni Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Akbayan Muslim Youth Representative Jamal Pandapatan na sapat na ang anim na taon na pamamahala ng BTA officials at dapat na magkaroon ng Bangsamoro Parliament elections upang mailuklok na ang iba’t-ibang sector representatives.
Dagdag ni Pandapatan na hindi dapat mawala ang tinawag na ‘momentum’ para sa hinangad na Bangsamoro Parliament Governance na magsilbing pinakaunang mangyari sa kasaysayan ng bansa.
Magugunitang tumagal din ng ilang dekada ang armadong pagsusulong ng Bangsamoro people kung saan nabuo pa ang Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago umaabot sa BTA na pinagsikapan ng husto ng national government at ibang peace broker countries.