-- Advertisements --
BSP 2 Manila

Pinayuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang publiko na iwasan ang “sangla-ATM” schemes na talamak ngayon sa marami sa ating mga kababayan.

Sa isang advisory ay muling nagpaalala ang BSP na hindi dapat ibinabahagi ng isang automated teller machines (ATM) cardholders sa iba ang kanilang personal identification numbers bilang collateral para sa kanilang loan.

Bukod dito ay nagbabala rin ang Bangko Sentral na posibleng magresulta ito sa “financial troubles” sa kadahilanang hindi mamomonitor ng isang cardholder ang withdrawals sa kaniyang account na ginawa ng mga taong pinagbigyan niya ng ATM card at PIN code.

Dagdag pa rito ay maaari rin anilang mag-withdraw ng mas malaking halaga ang creditors kumpara halaga ng utang ng mga cardholders.

Samantala, kaugnay pa rin nito ay pinayuhan din ng BSP ang mga borrowers na dapat ay maintindihan ng mga ito ang terms and conditions ng isang loan agreement bilang proteksyon na rin sa kanilang mga sarili.

Mas mabuti rin anila kung direktang magtatanong sa mga bangko at iba pang financial institutions na pinangangasiwaan ng BSP tulad ng mga pawnshops, money service businesses, electronic money issuers, at non-stock saving, at loan associations para sa mga impormasyon tungkol sa microfinance, personal, at iba pang maliliit na pasilidad ng pautang.