-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakilala na ang bangkay ng lalaking natagpuan sa ibaba ng bangin sa gilid ng Kennon Road sa Camp 3, Tuba, Benguet kamakalawa.

Kinilala ito ni P/Maj. Dominador De Guzman, hepe ng Tuba Municipal Police Station, na si Christian Del Prado Alvar alyas Sadeek, tubo ng Sta. Barbara, Pangasinan pero residente ng Camp 7, Kennon Road, Baguio City.

Si Alvar ay lider ng Sadeek Drug Group na may operasyon sa Cordillera at Region 1, partikular sa Baguio City, Benguet, La Union at Pangasinan. Nahaharap din ito sa patong-patong na kasong konektado sa iligal na droga, murder, carnapping at iba pa.

Nahuli si Alvar na isang high value target noong Agosto ng nakaraang taon matapos isilbi ng mga otoridad ang warrant of arrest nito dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nag-ugat ito sa pakikipagbarilan ni Alvar at ng kasama nito sa mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Asin Road, Baguio City noong Abril ng nakaraang taon ,kung saan nakumpiska sa inabandona nilang sasakyan ang ilang iligal na droga.

Ayon kay P/Maj. De Guzman, narekober ang bangkay ni Alvar sa baba ng bangin na may lalim na 30 metro.

Aniya, durog at bulok na ang ulo ni Alvar nang matagpuan ito maliban pa sa nabubulok na rin ang katawan nito.

Sa ngayon ay kinuha na ng pamilya ni Alvar ang labi nito para isailalim sa cremation.