-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Matapos ang pagbubunyag ng mga dating rebelde, tatlong bangkay ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group ang nahukay ng mga kasapi ng 95th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Canadam, Maconacon, Isabela.

Kinilala ang mga bangkay na sina alyas Marco, miyembro ng Squad Dos, na inilibing ikadalawamput apat na Mayo 24, 2022 at batay sa petsang nakasulat sa bato, sina alyas Lucia, at alyas Jero ay inilibing noong Hunyo 2022. Sila ay pawang miyembro ng Komiteng Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th ID Phil. Army na itinuro ang libingan ng tatlong rebelde ng mga naunang sumuko na sina alias “Lerio,” dating secretary ng Central Front Isabela at Education Staff ng Komiteng Probinsyang Isabela; alias “Del,” Intelligence Officer at Squad Leader ng Squad Dos; at alias “Victor,” miyembro ng Squad Uno, na pawang kasapi ng Komiteng Probinsyang Isabela – Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley .

Lahat sila ay natatakpan ng duyan at ang kanilang ginagawang libingan ay halos isang talampakan lang ang lalim.

Sinikap ng mga sundalo na mababa mula sa kabundukan ang bangkay ng tatlong rebelde at kanilang hihilingin ang tulong ng Tactical Operations Group o TOG 2 upang ma-airlift ang mga bangkay upang mabigyan ng disenteng libing.

Ayon kay Captain Pamittan, batay sa salaysay ng mga sumukong rebelde ang kanilang mga dating kasamahan ay namatay dahil sa matinding gutom na naranasan sa kabundukan .

Hindi na anya sila nakakahingi ng mga pagkain sa mga sibilyan dahil sa pinaigting na pagtugis sa kanila ng mga sundalo.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa pamilya ng mga biktima upang makuha na ang bangkay ng tatlong rebelde na basta na lamang inilibing ng kanilang mga kasamahan.

Nanawagan din siya sa mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko na sa mga otoridad upang sila ay matulungan ng pamahalaan na makapagbagong buhay.