Nagpasaklolo na rin sa Department of Transportation (DOTr) ang pinuno ng Department of Agriculture (DA) para tuluyang maharang ang mga imported na karne ng baboy bilang protocol kontra African swine fever.
Sa isang panayam sinabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol na sumulat na ang kanyang tanggapan kay Transportation Sec. Arthur Tugade para maglabas ng warning ang airline companies hinggil sa ban ng meat products sa mga biyahe.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaring magkarga ng produktong karne ng baboy sa eroplano ang mga pasaherong papasok ng Pilipinas na galing sa mga estado na sinasabing apektado ng naturang sakit.
Hihingan din daw ng dokumento at sanitary permits ang mga ito kung kinakailangan talagang ibiyahe sa bansa.
Bukod sa mahigpit na protocol, nais din ng DA na magdadagdag ng K-9 units sa mga paliparan lalo na sa bahagi ng check-in counters.
Bagamat hindi mapanganib sa tao ang sakit, paliwanag ni Piñol nais lang nila na protektahan ang industriya ng babuyan sa bansa lalo na’t sensito ang sakit sa mga baboy.