Nilinaw ni Sen. Bong Go na boluntaryo at walang sapilitan sa “Balik Probinsya” program para sa mga Pilipinong gustong bumalik sa kanilang mga lalawigan mula sa mga urban areas gaya sa Metro Manila.
“Walang pilitan ito, hindi pwedeng pilitin ‘yung mga tao na umuwi na ng probinsya. Hinanda po ito para sa mga may gustong lumipat o umuwi na. Bibigyan sila ng gobyerno ng magandang oportunidad na magsimula ng maayos na pamumuhay sa kanilang mga probinsya pagkatapos ng COVID-19 crisis,” ani Sen. Go.
Sinabi ni Sen. Go, uunahin ang mga gustong umuwi at irerespeto naman ang mga mas nanaisin pa ring manirahan sa Metro Manila.
Ayon kay Sen. Go, nagpapasalamat siya na ang paunang pag-uusap nila ni Executive Secretary Salvador Medialdea at iba pang key officials ng mga kinauukulang government agencies ay nagresulta sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 6 sa Executive Order 114 para sa “Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program” kasabay ng paglikha ng isang konseho na tututok sa implementasyon ng programa.
Inihayag ng senador na ang mga local government units (LGUs) ay naghahanda na rin para tumanggap ng mga magsisibalikan para mabigyan sila ng sapat na tulong, pabahay, kabuhayan at iba pa.
“Lahat ng agencies po mag-aalign ng kanilang mga programs, activities and projects na pwedeng makatulong sa mga kababayan nating nais umuwi at para rin ma-encourage ang iba na mag-relocate sa mga probinsya sa tamang panahon,” dagdag ng senador.