KALIBO, Aklan – Umapela ngayon ang Simbahang Katolika sa mga taga-Aklan na makiisa sa pagpanalangin na hindi matuloy ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo ng casino sa isla ng Boracay.
Sa kaniyang homily kahapon, Setyembre 12, sinabi ni Bishop Jose Corazon Talaoc ng Diocese of Kalibo na ang hangarin na ito ng Pangulo ay pansamantalang solusyon lamang sa paghahanap ng mapagkukuhanan ng pondo sa paglaban kontra COVID-19 pandemic.
Naging tanyag aniya ang Boracay dahil sa maganda itong isla at hindi dahil sa sugal kaya kailangang hindi matuloy ang balak ng Pangulo para hindi masira ang pinakaingat-ingatang yaman ng lalawigan ng Aklan.
Iginiit pa nito na posibleng magdulot ng kriminalidad at prostitusyon sakaling matuloy ang casino sa isla, na sa huli ay magiging malaking problema ng lalawigan.
Nabatid na isa ang Diocese of Kalibo sa mga tumututol sa pagpapatayo ng casino sa Boracay.










