KORONADAL CITY – Nananatili pa rin sa mga “open spaces” ang mga apektadong pamilya sa nangyaring pagtama ng magnitude 5.9 na lindol sa Kadingilan, Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Kadingilan Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Anne Mary Obido, umaabot sa 271 na bahay ang “totally and partially damaged” sa kanilang initial assessment at posible pa itong madagdagan dahil dalawang barangay ang pinakaapektado na kinabibilangan ng Poblacion at Sibonga.
Sa ngayon, nakakaramdam pa rin sila ng aftershocks at takot pa rin ang mga residente na bumalik sa loob ng kanilang mga tahanan.
Napag-alaman na sa nasabing lindol, apat ang casualties kung saan dalawa ang nagka-panic attack, isa ang nahimatay at isa ang sugatan matapos matamaan ng debris.
Nakapagpaabot naman ng paunang tulong ang ilang ahensiya ng gobyerno sa mga biktima ng lindol.