Posibleng mag-landfall o dadaan malapit sa Northern Luzon ang Tropical Depression Luis ngayong Lunes ng gabi, Agosto 3, o bukas ng madaling araw, Agosto 4, 2026 matapos kumilos sa 135 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora, base sa forecast ng state weather bureau.
Matapos ang posibleng landfall, bigla itong liliko pabalik sa dagat (east-northeastward) palayo sa bansa.
Posible namang manatili itong tropical depression at humina sa araw ng Miyerkules, Agosto 5 bago tuluyang malusaw.
Kasalukuyang nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Isabela at Quirino kasama ang ilang mga parte ng Cagayan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao at Aurora.
Nitong umaga ng Lunes, napanatili ng bagyo ang lakas ng hangin na 55 kilometers per hour malapit sa sentro at bugso ng hangin na umaabot ng hanggang 70 kph.
Mabagal na kumikilos ito sa hilagang direksiyon na may lakas ng hangin na umaabot ng hanggang 190 kilometers mula sa sentro.
Pinag-iingat naman ang publiko sa dalang mabibigat na pag-ulan at malalakas na hangin sa posibleng landfall point ng bagyo.











