Patuloy pa rin sa paghina ang bagyong si Betty dahilan upang ibaba ito sa Typhoon Category habang tinatahak ang direksyon patungo sa katubigan ng Extreme Northern Luzon.
Asahan na sa mga susunod na araw mababawasan pa ang lakas nito dahil sa nararanasang nitong dry-air entrainment,pagtaas ng wind shear at mas malamig na temperatura sa ibabaw ng dagat na dinadaanan nito.
Malaki rin ang tyansa na maging stationary ang paggalaw ni Betty jan sa may bahagi ng Extreme Northern Luzon pagsapit ng Martes at Miyerkules.
Sa araw na ito ay posible rin na magbago ang direksyon ng bagyong si Betty at tutumbukin ang direksyon patungo sa bansang Japan.
Batay sa Data ng Bombo Weather Center, huling namataan ang mata ni Typhoon Betty sa layong 525 KM Silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 155 KM/H malapit sa gitna at may pagbugsong aabot 190 KM/H.
Kumikilos pa rin ang bagyo pa Hilagang-Kanluran sa kanyang napanatiling bilis na aabot sa 20 KM/H.
Itinaas na rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No.2 sa Luzon kabilang na ang Batanes (Babuyan Island, Camiguin Island, Didicas at Pamuktan Island), Eastern portion ng Babuyan Islands at Northeastern portion ng mainland Cagayan.
Asahan ang lakas ng hangin na aabot sa 62 hanggang 88 KM/H sa loob ng 24 oras sa nabanggit na lugar.
Tropical Cyclone Wind Signal number 1 naman ang nakataas sa natitirang bahagi ng Babuyan Islands, Mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Northeastern portion ng Nueva Vizcaya Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Northern at Central portions ng Aurora, Polillo Islands, Northern portion ng Catanduanes, Northeastern portion ng Camarines Sur at Northern portion ng Camarines Norte.
Inaasahan ang malalakas na hangin sa mga nabanggit na lugar at maaari itong magdulot ng minimal hanggang minor na banta sa buhay at mga ari-arian.
Magiging maulan at mahangin naman sa Batanes at Cagayan dulot pa rin ng outer circulation ng bagyong si Betty.
Panaka-nakang pag-ulan, pagkulog at pag-kidlat naman ang mararanasan sa iba pang bahagi ng bansa dulot ng Bagyong Betty at Southwest Monsoon o hanging habagat.
Kabilang na rito ang Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Ilocos Region, Apayao, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Palawan, Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Posible rin ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang lugar sa bansa dahil sa ulan na dala ng bagyong Betty at Southwest Monsoon kaya’t inaabisuhan ang lahat na mag-ingat at maging handa.