-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ikinadismaya ni Chief Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang umano’y acts of discrimination ng mga opisyal at mga residente ng Barangay Sto. Niño Slaughterhouse laban sa isang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient na residente sa nasabing barangay.

Ayon sa kanya, nakatanggap siya ng mga report na nabibiktima ng diskriminasyon ang pamilya ng nasabing pasyente.

Aniya, may mga larawan pang nai-post sa social media at makikita na kinokordon ang tahanan ng nasabing pasyente.

Hindi raw papayagan ng alkalde ang aksiyon ng mga residente kaya plano niyang sampahan ng criminal at administrative cases lahat ng mga responsable sa nasabing discriminatory acts.

Pinaiimbestigahan na ng alkalde ang nasabing diskriminasyon.

Nakasaad sa City Ordinance No. 44, series of 2020 ng Baguio at sa Republic Act 11332 ang ano mang discriminatory acts laban sa mga taong nahawaan ng COVID-29, mga health workers at mga essential workers na nagtatrabago para maging COVID-19 free ang lungsod.

Gayunman, sinabi ni Mayor Magalong na ang nasabing insidente ay isolated case sa lungsod kasabay ng pagkilala niya sa kabaitan at pagkamatulongin ng karamihang mga residente sa ibang mga barangay ng City of Pines.