-- Advertisements --

Sa kabila ng mahigpit na COVID-19 testing at contact tracing ng Baguio City, inamin ng Department of Health (DOH) na na-obserbahan nila ang muling pagtaas sa kaso ng coronavirus ng lungsod.

“Nakakita tayo ng kaunting pagtaas ng mga kaso sa Baguio, kaya for the past two weeks binabantayan natin ito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum nitong Lunes.

Ang pahayag na ito ng ahensya ay bunsod ng naitalang 13.5% positivity rate ng “Summer Capital.” Higit na mataas mula sa benchmark na 5%.

Pero paliwanag ni Usec. Vergeire, hindi lang maaaring isisi sa pagbubukas ng lungsod sa mga turista ang pagtaas ng kanilang COVID-19 cases.

“Kailangan nating isipin na ang Baguio City, they are very aggressive in their contact tracing and testing their constituents, so maaaring may epekto rin kapag maraming nate-test na individuals.”

“Although we cannot discount the fact na maraming nagpo-positibo sa kailangan talaga bantayan.”

Nakausap na raw ng DOH ang local government officials ng Baguio para matukoy ang dahilan ng tumaas na kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Aminado ang lokal na pamahalaan ng Baguio na mula nang buksan nila ang siyudad sa mga turista ng karatig na mga lalawigan ay naramdaman nila ang pagsipa sa COVID-19 cases.

Batay sa COVID-19 Data Tracker ng Health department, umaabot na sa 3,2016 ang total ng coronavirus cases sa Baguio City as of December 7, 2020.