Dumating na sa Subic, Zambales nitong araw ang bagong warship ng Philippine Navy matapos ang limang-araw na biyahe mula Ulsan, South Korea kung saan ito ginawa.
Ang barkong ito, na siyang kauna-unahang missile-capable warship ng Philippine Navy, ay nakatakdang tawagin bilang BRP Jose Rizal (FF150).
Nauna nang sinalubong ng BRP Quezon ang frigate na ito sa Batanes noon pang Mayo 21.
Tatlong patrol boats mula sa Naval Forces Northern Luzon ang sunod namang sumalubong sa warship sa Bolinao, Pangasinan noong Mayo 22.
Pagkatapos nito, noong Biyernes ng hapon ay sinalubong naman ng BRP Andres Bonifacio, Augusta Westland 109 helicopter ar C-90 fixed aircraft ang naturang warships sa Sta. Cruz Zambales.
Kahapon, Mayo 23, ay binigyan ng traditional passing honors ang frigate Jose Rizal ng BRP Andres Bonifacio at tatlong multipurpose assault crafts.
Dalawang naval helicopters pa ang nagsagawa ng fly-by.