Isang bagong species ng sinaunang marine reptile na tinawag na Xiphodracon goldencapsis o “sword dragon” ang natuklasan sa England, ayon sa pag-aaral na inilathala sa Papers in Palaeontology nitong Huwebes, Oktubre 2, 2025.
Ang bagong tuklas na nilalang ay kabilang sa mga ichthyosaur—mga dambuhalang reptile na nabuhay sa dagat noong Early Jurassic era, tinatayang 190 milyong taon na ang nakararaan.
Natagpuan ang mga fossil noong 2001 ni propesyonal na fossil collector Chris Moore sa Golden Cap ng Charmouth, bahagi ng tanyag na “Jurassic Coast” ng England na kilala sa mayamang deposito ng mga fossil.
Ayon sa mga mananaliksik mula sa University of Manchester, halos perpektong napreserba ang fossil, kabilang ang bungo na may malaking eye socket at mahabang tila espada na nguso—kaya nakuha ang bansag na “sword dragon.”
Nakita ng mga siyentipiko na kakaiba ito sa ibang ichthyosaur dahil sa bilog nitong butas ng ilong at maliliit na ngipin, na nagpapahiwatig na kumakain ito ng malalambot na hayop tulad ng pusit at maliliit na isda.
Tinataya ng mga eksperto na ang X.goldencapsis ay may habang halos 10 talampakan at namuhay sa panahong unti-unting nawawala ang ilang pamilya ng ichthyosaur. Itinuturing itong isa sa pinakakompletong fossil ng sinaunang reptile mula sa Pliensbachian period.