BOMBO DAGUPAN – Laking gulat ng inang si Rowena Biazon ng Barangay Bonuan Boquig, Dagupan City nang makitang may dalawang ngipin na ang kanyang kasisilang na anak na pinangalanang si Baby Danica.
Ayon kay Biazon, hindi niya inakalang ang kanyang isisilang na bunsong anak ay tinubuan na ng hindi lamang isa kundi dalawang ngipin.
Ngayon lang umano siya nakakita ng kakasilang na sanggol na may ngipin na at sa mismong anak pa niya.
Himala kung ituring ng kanilang pamilya na malusog si Baby Danica dahil isa umano itong pre-mature baby.
Napaaga umano ang panganganak ni Rowena ng isang buwan.
Batay naman sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Ronna Angela Untalan-Evangelista, isang Pediatric Dentist ay Natal teeth ang tawag sa ngipin ng bagong silang na sanggol.
Isa umano itong rare condition na nabubuo habang nasa sinapupunan pa lamang ang sanggol.
Samantala, ipinaalala ng doctor na delikado umano ang pagkakaroon ng Natal teeth ng isang sanggol kaya naman kailangan umano itong tanggalin.
Ayon naman sa standard source ay isa sa 2,000-3,000 na bagong silang na sanggol ang may Natal teeth condition.