-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patuloy na inaalam ng mga otoridad kung sino ang walang konsensiyang ina na nag-iwan sa kanyang bagong silang na sanggol na lalaki na natagpuang unti-unti nang nilalapa at pinaglalaruan ng dalawang baboy sa loob ng kulungan sa Sitio Bantud, Barangay Puis, New Washington, Aklan.

Ayon kay Francisco Nerval, 81-anyos , may-ari ng baboy at residente ng naturang lugar na agad niyang inireport sa kanilang punong barangay ang kalunos-lunos na sinapit ng sanggol matapos na matagpuan sa loob ng kulungan ng baboy.

Dakong alas-6:30 ng umaga, magpapakain sana ito ng kanyang mga alaga nang mapansin ang sanggol na nakakabit pa ang pusod na noong una ay inakala niyang tuta ng aso.

Nagulat ito nang makita ang putol at gutay-gutay nang daliri ng sanggol.

Sinabi naman ni punong barangay Jerson Arboleda na sa isinagawang imbestigasyon sa lahat ng mga nagpa-prenatal sa lugar ay kumpleto naman kaya’t hinala nila na taga-ibang lugar ang ina na nagtapon sa kanyang sanggol.

Nagpasya si Mayor Jessica Panambo ng naturang bayan na pabinyagan ang sanggol na pinangalanang si Hesus at nakatakdang isailalim sa autopsy.